Pangarap ng bawat isa sa atin ang kasaganaan, pero sabi nga nila, "hirap muna bago saya". Pero may mga taong ayaw makaranas ng hirap, mga taong nagmamadaling umangat bahala na kung sa paanong paraan. Mga taong takot madapa kaya gagamit ng yaman o dahas para maisakatuparan ang kagustuhan. Minsan nama'y tatapak ng mga taong nasa ibaba para umangat o di kaya'y magpapatulong ng hila sa mga nasa itaas.
Ako, Ikaw, Sila, Tayo. Lahat may angking kasakiman sa kahit na anong antas. Wag na tayong magmalinis pa. Isa itong baho ng bawat isa na di natin maipagkakaila. Mayaman man o mahirap. Magmula man sa pinakamataas na opisyal ng pamahalaan hanggang sa pinakakawawang tao sa iskwater. Kapag nasobraan ng pagnanais, nagiging sakim at maaaring makagawa ng masama.
Sabi naman ng ibang tao, "money is the root of all evil". Pero anong kinalaman ng kapirasong papel at katiting na barya sa kasamaang dulot ng tao? Di kasi nila naisip na tayo mismo sa sarili natin ang gumagawa ng unang hakbang tungo sa kasamaan. Bagama't ganoon, pwede naman itong masolusyonan. Matuto lang sana ang bawat isa na makuntento at ibahagi sa iba pang nangangailangan ang kahit na anong kaya nilang ibigay.
Ikaw, hanggang saan ka nga ba kayang dalhin ng iyong mga ninanais? Kaya mo bang kontrolin ang iyong sarili? Isaisip na maaaring sa kasakiman magsimula ang lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento